Mga senior alalayan sa eleksyon

Umapela ang isang kongresista sa Commission on Elections (Comelec) na huwag pahirapan ang mga senior citizen sa araw ng botohan sa Mayo 13.

“Kung ang regular na presinto nila naroon pa sa itaas na palapag, sa ground floor lang dapat sila at dalhin na lang sa kanila ang mga balota na naka-assign para sa seniors. Hinimok ko ang Comelec na gawin ito para madali makaboto ang seniors,” panawagan ni Senior Citizen Party-list Rep. Francisco Datol.

Matino naman aniya ang Comelec Resolution 10486 na laan para maayos na makaboto ang mga senior, kababayang may kapansanan at buntis. Ang mahalaga umano ay maipatupad ito sa buong bansa.

Ipinaliwanag ng kongresista na computerized database na ang sistema sa ngayon kaya puwede ng matukoy ng Comelec kung sino ang mga botanteng senior. (Aries Cano)