Isang panukalang batas ang inihain ni Senador Lito Lapid para mabigyan ng kinatawan ang sektor ng mga senior citizen sa mga local legislative council.
Sa pamamagitan ng kanyang Senate Bill No. 1169 o Act Providing for the Representation of Senior Citizens in the Local Sanggunian, sinabi ni Lapid na dapat magkaroon ng boses ang mga lolo at lola sa konseho.
“Ang ating mga senior citizens ay marami nang kaalaman at pinagdaanan sa buhay na maari nilang maibahagi sa ating mga sanggunian,” sabi ni Lapid sa isang pahayag nito.
“Gusto natin silang bigyan ng boses sa mga konseho upang mas marinig ang kanilang mga hinaing at gayundin nang mas maramdaman nila na sila ay nananatiling mga produktibong kasapi ng ating lipunan,” dagdag nito.
Nakasaad sa panukala na dapat magkaroon ng isang kinatawan ang mga senior citizen sa kada barangay sanggunian, municipality o city sanggunian at provincial sanggunian.
Ang kinatawan ng mga senior citizen sa Sangguniang Barangay ay ihahalal ng mga kinikilalang asosasyon ng lahat ng mga senior citizen sa kanilang barangay.
Samantala, ang kinatawan ng mga senior citizen sa Sangguniang Bayan o Panglungosd ay iboboto ng mga senior representative ng lahat ng Sangguniang Barangay sa kanilang bayan o lungsod. (Dindo Matining)