Mga senior citizen sa Maynila may libreng gatas

May 120,000 senior citizen sa Lungsod ng Maynila ang tumanggap ng gatas sa lokal na pamahalaan ng Maynila bilang bahagi ng kanilang relief food sa harap ng banta ng coronavirus (COVID-19) pandemic.

Inianunsiyo ni Manila City Mayor Franciso ‘Isko Moreno’ Domagoso na bawat senior citizen ay nakatanggap ng 400 grams of Ensure Gold milk simula kahapon.

“Ang City of Manila ay bumili ng gatas at ito po ang nakita namin na isang masustansyang gatas o supplement na maaari namin manlang maibigay sa inyo pandagdag sa proteksyon sa inyong kalusugan,” ayon kay Moreno.

Ang pamamahagi ng gatas ay ginawa ni Moreno matapos na lumabas sa pag-aaral na ang mga senior citizen ay madaling kapitan ng COVID19 .

Nabatid na ang Ensure Gold milk ay binili ng lokal na pamahalaan sa halagang P237.35 kada lata at ang market price nito ay nasa P400.

Ang lokal na pamahalaan ng Maynila ay bumili ng may 150,000 milk lata ng gatas para makatiyak na lahat ng senior ciizen sa Maynila ay magkakaroon nito.

Ang mga barangay official,ang naatasan na magpamahagi ng gatas.

“Mga chairman, mga kagawad, mga barangay officials, at sa mga senior citizen, lahat po ay dapat tumanggap ng gatas na ito. Ito po ay Ensure Gold kaloob sa inyo ng Syudad ng Maynila,”ayon kay Moreno.

“Kung meron man na hindi mabibigyan na senior citzen na nasa loob ng maynila, nakatira sa maynila, nakarehistro sa maynila, dapat magkaroon ng isang lata ng gatas,” dagdag pa ni Moreno.

Ang milk assistance ang ikalawang wave ng tulong na ibinigay ng pamahalaan sa mga senior citizen bukod sa P1,500.cash assistance. (Juliet de Loza-Cudia)