Mga sikyo ni Calida sinipa ni Cayetano

Hindi na umano masaya at kuntento ang liderato ng Kamara sa serbisyo at proteksyong ibinibigay ng security firm na pag-aari ni Solicitor General Jose Calida.

Nalaman ng Politiko news online na hindi na ni-renew ng House secreta­riat ang kontrata ng Vigilant Investigative and Security Agency Inc. na pag-aari ni Calida at pamilya nito at sa halip ay mas pinaboran ang ibang security firm matapos ang isinagawang bidding noong nakaraang Disyembre.

Ang civilian security operation ng buong Kamara de Representante ay pinapangasiwaan na ngayon ng Maximum Security and Services Corporation base sa bagong uniform patches na mga nakatalagang security guard sa mga gate at pintuan ng Kamara.

Hindi lang tukoy kung magkano ang inabot ng bagong kontrata ng Maxi­mum Security.

Sa kabila ng pagiging malapit kay Pa­ngulong Rodrigo Duterte, maraming congressional observer ang nagsabi na hindi maganda ang relasyon nina Calida at House Speaker Alan Peter Cayetano lalo na’t sinasabing malapit ito (Calida) kay dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na nakalaban naman sa politika ni Cayetano.

Taong 2016, nakuha ng security firm ni Calida ang P96.19 milyong kontrata ng House of Representantives sa ilalim ng liderato noon ni Speaker Pantaleon Alvarez.

Ang nasabing deal ay bahagi ng 16 government contract na nakuha ng Vigilant security agency ni Calida na umaabot sa P358.33 milyon simula nang manungkulan si Duterte.

Samantala, natukoy na ang Maximum Security ay pag-aari umano ng pamilya ng yumaong dating Bise Presidente Salvador ‘Doy’ Laurel base na rin sa pahayag ng mga bagong security guard sa Batasan Complex na tumangging magpakilala.
Ang pamilya Laurel ay kilalang miyembro ng Nacionalista Party na siyang partido nina Cayetano at Senador Cynthia Villar.

Matatandaan naman na noong 2012, hinarang ng Commission on Audit (COA) ang Maximum Security matapos makakuha ng contract extension sa Food and Drugs Administration nang umano’y walang public bidding. (JC Cahinhinan)