Mga simbahan kasado sa Semana Santa

Sinimulan na ng dalawa sa pinakamalaking simbahan sa bansa ang kanilang paghahanda para sa mga aktibidad na may kaugnayan sa Semana Santa.

Magsisimula ang Semana Santa sa Linggo, Abril 14.

Ayon kay Manila Cathedral Rector Fr. Reginald Malicdem, pangungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga aktibidad sa katedral tulad ng unang misa sa Linggo ng Palaspas, Chrism Mass at Misa sa Huling Hapunan sa Huwebes Santo, Paggunita sa Pagpapakasakit ng Pa­nginoon sa Biyernes Santo, at Bihilya para sa Mu­ling Pagkabuhay sa Sabado.

Sinabi ni Malicdem na nakikipag-ugnayan sila sa mga awtoridad para tiyakin ang seguridad ng mga debotong pupunta sa Manila Cathedral.

Isa ang Manila Cathedral sa siyam na simbahan at kapilya na bukas para sa Visita Iglesia sa Huwebes sa loob ng Intramuros.

Samantala, sinabi ni Quiapo Church Parochial Vicar, Fr. Douglas Badong na wala ring pagbabago sa mga aktibidad sa Basilika ng Quiapo at nakalinya pa rin ang kanilang Pabasa ng Pasyong Mahal mula Lunes Santo hanggang Miyerkoles Santo, Senakulo sa Plaza Miranda sa Miyerkoles Santo, at ang prusis­yon ng mga imahen ng Nazareno sa Biyernes Santo.(Mia Billones)