Mga stranded sa NCR puwede na umuwi

Makakauwi na sa kanilang probinsiya ang mga inabutan ng lockdown at na-stranded sa National Capital Region (NCR) o Metro Manila, partikular ang mga taga-Visayas at Mindanao.

Inihayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos ianunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na nasa general community quarantine (GCQ) na ang Metro Manila.

Ayon kay Roque, mayroong inter-island travel sa ilalim ng GCQ kaya asahang magsisimula na ang flight ng mga eroplano, paglalayag ng mga barko, at biyahe ng mga pampasaherong bus.

Sinabi ng kalihim na hintayin na lamang ang abiso ng Department of Transportation (DOTr) kung kailan sisimulan ang biyahe sa sektor ng transportasyon.

“Papayagan na po `yan, meron na po tayong inter-island travel sa GCQ pero wala [pa] lang anunsiyo kung kailan magsisimula ang commercial flights. Pero sigurado po ako naghahanda na ang transportasyon gaya ng eroplano, barko at mga bus,” ani Roque.

Matapos magdeklara si Pangulong Duterte ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon noong buwan ng Marso ay maraming mamamayan ang na-stranded sa Metro Manila, kabilang na dito ang mga estudyante.

Nilinaw ni Roque na ang biyahe ay para lamang sa mga lugar na mayroong GCQ status.(Aileen Taliping)