Mga SUC sa BARMM humihingi ng suporta

Magdoble kayod kayo!

Ito ang panawagan ni Senador Francis ‘Tol’ Tolentino sa Commission on Higher Education (CHED) sa pagbibigay ng kanilang suporta at tulong sa mga state universities and colleges (SUCs) sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region (BARMM).

Ayon sa senador, kailangan iangat ang kalidad ng edukasyon ng mga paaralan para makahikayat ang mga ito ng mas maraming estudyante.

“Nakalimutan na ang SUCs sa BARMM. We should be more proactive in addressing their needs, even before they come to you for help,” sabi ni Tolentino sa CHED sa pagdinig ng Senado hinggil sa panukalang budget ng komisyon para sa susunod na taon.

Aabot sa limang SUC ang pasok sa ilalim ng BARM at lahat nang ito ay kulang na kulang ang suportang natatanggap, ayon mismo kay CHED Commissioner Prospero De Vera III.

Aminado rin ang mga opisyal ng CHED na pa­tuloy na bumabagsak ang bilang ng mga enrollee sa BARMM dahil mas pinipili ng mga ito na mag-aral sa mga unibersidad sa karatig na lugar.

Kaya naman tanong ni Tolentino sa CHED, “Bakit kailangan pa pumunta ng isang estudyante sa Zamboanga o Pagadian, para mag-aral kung mayroon namang state universities and colleges sa lugar nila? Siguro dahil na rin sa kalidad ng edukasyon, ano ho sa palagay ninyo?”.

“Katatag pa lamang nitong BARMM, dapat sabayan din natin sa pamamagitan ng pagbibigay din ng magandang kalidad ng edukasyon sa mga lugar na sakop nito” dagdag pa ng senador.

Halimbawa na rito ang Sulu State University na dalawang taon nang walang walang natatanggap na pondo para sa kanilang capital outlay at inaasahan na sa susunod na taon ay ganito rin umano ang kanilang magiging sitwasyon. (Dindo Matining)