Mga taga-Maynila hinimok sumagot sa COVID-19 survey

Inanyayahan ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang mga residente ng Maynila na lumahok sa isinasagawang digital health survey na inilunsad para malaman ang overall health situation ng populasyon.

Maaari umanong makuha ang digital health survey sa Facebook page ng alkalde para para matugunan ng mga kawani ng lungsod ang pangangailangan ng mga residente nito.

Ang survey ay inilunsad ni Moreno noong Marso bilang bahagi ng kanyang CODE (contain and delay coronavirus disease)-COVID program.

“Huwag mag-alala dahil confidential ito at gagamitin lamang para magkaroon kami ng virtual picture or macrovisual of our health situation in the entire city of Manila. Para kami ay maging efficient, sagutin lamang nang tumpak at matapat ang mga tanong. Para matulungan din kami na mabilis kayong matugunan at maabot, sakaling kailangan ninyo ng atensyong medical,” ayon kay Moreno.

Kabilang sa mga tanong ang: May lagnat ka ba? Namamagang lalamunan? Ubo? Sipon? Nahihirapan ka bang huminga? Masakit ba ang iyong tiyan? Nahihilo o nasusuka? Umalis ka ba ng bansa sa nakaraang mga araw? Did you have exposure to an infected? at Nagtatrabaho ka ba o nakatira sa isang lugar na may nabalitang may COVID 19?

Kung oo ang sagot sa alin mang tanong dito, maaari umanong makipag-ugnayan sa 8527-5174 at 09610627013. Pwede ding tawagan ang 8962385/6 o ang DOH covid hotline 865-17800 loc. 1149 at 1150, paliwanag ni Moreno.

Tiniyak rin ni Moreno na hindi maglalabas ang city government ng anumang conclusive findings base sa ibinigay na data tanging ang mga kuwalpikadong health experts ang maaring gumawa. (Juliet de Loza-Cudia)