Mga tatay hinikayat na magsimba

Hinikayat ng Argentinean priest Father Luciano Feloni ang mga ama ng tahanan na magsimba sa pagdiriwang ngayon ng Father’s Day.

Sinabi ng Obispo na mahalaga ang pagsisimba para sa pagdiriwang bilang pasasalamat sa mga ama ng tahanan na nagsakripisyo at nagpunyagi para sa pagpapatatag ng ating pamilya.

Sa selebrasyon ng Father’s Day, hinihikayat ni Feloni ang mga ama ng tahanan na nalulong sa droga na magbago para sa kanilang mga anak.

“Happy Father’s Day sa lahat ng mga tatay, lalo na sa mga tatay na nalulong sa droga.

May pagkakataon pa para magbago. Kung hindi mo kaya sa iyong sa­rili, tandaan mo kaya mo para sa mga anak mo. Isang inspirasyon lagi ang pamilya,” ayon kay Fr. Feloni.

Inihalintulad din ng pari ang kahalagahan ng isang ama, tulad ng Ama ng lahat na si Kristo – ang pagsasakripisyo ng kanyang buhay na siyang simbolo ng pagmamahal, pagkakaisa at buhay na walang hanggan.

Sa datos ng Philippine National Police (PNP), 1.3 milyon katao ang sumuko sa pulisya na iniuugnay sa droga habang higit sa tatlong libo naman ang nasawi na may kaugnayan sa droga.

Sa isang sipi ng Amoris Laetitia (175) na inakda ni Pope Francis, binigyan diin ng Santo Papa ang kahalagahan ng mga ama ng tahanan na lumikha ng kapaligiran na pinaka-akma sa paglago ng kanyang anak at pamilya.