Mga tauhan ng Maynilad nireklamo sa paniningil ng libreng serbisyo

Nagrereklamo ang ilang residente ng isang barangay sa Las Piñas City laban sa ilang tauhan umano ng Maynilad na nag-aalok ng libreng pagpapasipsip ng kanilang mga poso negro.

Ayon sa mga residente, nagbabahay-­bahay ang mga tauhan ng Maynilad para alukin sila ng naturang serbisyo.

Sa kasunduan ng Maynilad sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), katungkulan ng kompanya ng tubig ang pagpapasipsip ng mga poso negro kung ‘di pa nakakabit sa isang main pipe ang sewerage system at libre dapat ito sa mga kostumer na nasasakop ng kanilang coverage area.

Noong Biyernes, ina­lok umano ang isang residente ng Barangay Almanza.

Sinasabi umano ng mga tao ng Maynilad na libre ang nasabing serbisyo pero “ayusin” na lang umano sila.

Dahil libre dapat iyon, ini-report agad ng kostumer ang insidente sa Maynilad.

Humingi ng paumanhin ang media ­affairs contact person ng Maynilad na si Ma­del Zaide na nangakong aayusin ito.

Pero, imbes na ­ayusin, pinahamak pa umano ni Zaide ang ­re­sidenteng nagreklamo.

Dumating sa bahay ng nagrereklamong kustomer ang tatlong tauhang nangotong sa kanya kahapon. Nang hindi umubra, umalis ang tatlo.
Muling tinawagan ng residente si Zaide pero lalo lang lumala ang pangyayari dahil tatlong bisor na ng Maynilad ang sumugod sa bahay niya. Sinabihan umano ng mga bisor ang residente na iatras ang reklamo para hindi mawalan ng trabaho ang tatlo at handa silang ibalik ang perang kinuha sa kanya.

Inamin ni Zaide na marami na silang natatanggap na reklamo tungkol sa pangongotong ng mga tauhan ng Maynilad sa mga kostumer pero wala naman siyang sinabing may mga hakbang nang ginagawa ang kompanya para matigil ito.

Sabi lang niya, mali iyon at hindi iyon dapat nangyayari.

Tinanong ng TONITE ang mga ibang taong nakatira sa parehong kalye ng nagreklamo. Dalawa sa kapitbahay ang kinotongan naman ng tig-P500 ng mga nasabing tauhan ng Maynilad noon ding Biyernes.