Mga tax evader na POGO ‘di tatantanan

Inihayag ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na patuloy nilang tutugisin ang mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at ang kanilang mga service provider na hindi nagbabayad ng buwis para makakuha ng karagdagang pondong panggastos ang pamahalaan.

Sinabi ito ng kalihim matapos ikandado nitong Miyerkoles nang umaga ng mga tauhan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang 11 sangay ng isang POGO sa Parañaque City dahil sa hindi umano pagbabayad ng tamang buwis.

“Basically, we’re going hard against people who are evading taxes,” sabi ni Dominguez.

Dagdag niya, hindi makatarungan para sa mga Pilipinong nagbabayad ng buwis samantalang lumulusot naman ang mga POGO.

Base sa datos ng BIR, umaabot na sa P1.63 bilyon ang nakolekta nitong withholding tax mula sa mga POGO at kanilang mga service provider simula Enero hanggang Agosto ngayong taon. (Eileen Mencias)