Mga titser pinag-iingat sa investment scam

Nagbababala ang Securities and Exchange Commission (SEC) sa publiko, lalo na sa mga public school teache­r, laban sa pag-invest ng pera sa isang grupo na gumagamit ng iba’t ibang pangalan.

Ayon sa SEC, nakatanggap sila ng mara­ming reklamo hinggil sa mga aktibidad ng naturang grupo na gumagamit ng mga pangalang Tea­chers Financial Coaching Program (TFCP), Tea­chers Financial Freedom Program (TFFP), Elite Teachers Financial Program (ETFP), at Tea­chers Financial Program (TFP).

Sa mga nakalap na impormasyon ng SEC, hinihimok ng TFCP, TFFP, ETFP, at TFP na mag-invest sa kanila ng P115,000 nang walang kinakailangang lisensiya o permit.

Kung hindi naman mag-i-invest ang guro, tutulungan naman umano na makautang sa bangko ng P115,000 kapalit ng P11,000 na Royale beauty pro­ducts o food supplements nito at tseke na nagkakahalaga ng P10,500. Pero kaila­ngan nilang mag-recruit ng mga bagong miyembro kung gustong kumita pa at P11,000 ang makukuha ng ‘investor’ sa bawat recruit.

Babala ng SEC, hindi rehistrado sa kanila ang mga nabanggit na grupo at lalong walang pahintulot ang mga ito na mag-solicit ng investment.

Paliwanag ng SEC, ang mga investment ay nirerehistro muna sa kanila para malinaw kung saan gagamitin ang pera at kung saan ito mapupunta. (Eileen Mencias)