Mga travel agency kasabwat sa ‘pastillas’ scam

Ibinunyag kahapon ni Senador Risa Hontiveros na may mga travel agency na kasabwat sa ‘pastillas’ scam at nag-aalok ng ma­nufactured passport, birth certificate, driver’s license at iba pang serbisyo para sa mga Chinese national na pumapasok sa Pilipinas.

Ayon sa mambabatas, inaanunsyo ng mga travel agency sa wikang Mandarin ang kanilang mga iligal na serbisyo sa pamamagitan ng messaging app na WeChat at pangunahing kliyente ng mga ito ay ang mga nagtatrabaho sa Phi­lippine Offshore Gaming Operator (POGO).

Sabi ng senadora, ang mga tour operator ay tumatanggap ng P8,000 hanggang P10,000 service fee sa ilalim ng ‘pastillas’ scam habang P2,000 naman ang napupunta sa mga kasabwat na opis­yal ng Bureau of Immig­ration.

“Masyado naman atang useful ang Philippine passport sa mga Chinese nationals na mga tourist kuno. Pati nga ang term na ‘pastillas’ alam na rin nila, at ang kakapal ng mukha, ina-advertise pa,” sabi ni Hontiveros.

Patunay aniya ang impormasyong ito na ginagamit na rin ng mga Chinese national ang identity ng mga patay nang Pilipino kasabwat maging ang mga tiwaling local registry official. (Dindo Matining)