Huwag umasang balik normal agad ang turismo sa Pilipinas kapag natapos na ang enhanced community quarantine (ECQ), ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.
Ipinahayag ito ng kalihim sa virtual forum ng House committee on tourism noong nakaraang linggo.
Aniya, kahit inalis na ang ECQ sa mga lugar na kasalukuyan nang nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ), may mga local government unit na hindi pa maaaring magpapasok ng mga turista sa kanilang lugar.
Paliwanag ni Puyat, sa mga susunod na ilang buwan pagkatapos ng ECQ, maaaring maging limitado pa ang turismo sa bansa.
Malayo pa rin aniya magbalik sa normal ang international traveling dahil sa mga paghihigpit na ginagawa ng ibang bansa sanhi ng krisis sa COVID-19 pandemic.
Samantala, isinulong naman ni Laguna Rep. Sol Aragones, chairperson ng House committee on tourism, ang panukalang P43 billion economic stimulus para matulungan na makabangon ang industriya ng turismo sa bansa mula sa krisis na hatid ng pandemic. (JC Cahinhinan)