Mga umaresto kay Johnson Lee protektahan – Gordon

angangamba si Senador Richard Gordon na may mangyaring masama sa mga pulis at opisyal ng barangay sa Mexico, Pampanga na unang umaresto sa pinaghihinalaang drug lord na si Johnson Lee.

Kung kaya’t hiniling ng senador kay Department of Justice (DOJ) Secretary Meynardo Guevarra na bigyan ng proteksyon at ipagpatuloy ang pagkuha ng testimonya sa mga ito.

Mas makakabuti umanong ma-secure ang testimonya ng mga ito bago pa man may mangyari sa kanilang buhay.

“I just spoke with Secretary Menard of DOJ and I asked him… I want their testimonies perpetuated kung sakaling (may mangyari sa kanila). It means that they will go to the court and give their affidavit there and if anything happens, hopefully not, that will be admissible in court,” pahayag ni Gordon sa phone interview kahapon.

Ayon pa kay Gordon, maaring makapagbigay ng karagdagang testimonya ang tatlong pulis ng Mexico, Pampanga na sina Police Staff Sergeant Jerome
Bugarin, Marlon dela Cruz at Jackson Mariano, para tumibay ang ebidensiya na nagkaroon ng cover-up sa buy-bust operation noong Nobyembre 2013.

“During the hearing ipi­nakita namin ‘yung litrato ni Ding Wenkun. Sabi nila definitely hindi ‘yan ang inaresto namin. That was a very, very strong evidence that there was a cover-up because after that Baloyo took the real McCoy, Johnson Lee, and after that nawala na siya,” sabi ni Gordon.
Si Lee ang may-ari ng bahay na sinalakay ng 13 pulis sa pangunguna ni Major Rodney Baloloy sa Woodbridge Subdivision sa Mexico, Pampanga noong Nobyembre 13, 2013.

Pero dapat siguruhin umano ng DOJ na mabibigyan ng sapat na proteksiyon ang mga pulis gayundin ang mga opisyal ng barangay na naunang nang nagbigay ng testimonya sa naturang kontrobersiyal na drug raid.

Nasa desisyon na rin umano ni Justice Secretary Menardo Guevarra kung ipapasok niya ang testigo sa Witness Protection Program. (Dindo Matining)