Naghain na ang University of the Philippines (UP)-Diliman Police ng kaso sa University Student Disciplinary Council (USDC) laban sa mga estudÂyante na nasangkot sa frat war noong nakaraang buwan.
Ayon kay Jerwin Agpaoa, UP Diliman Vice Chancellor for Students Affairs, isinampa na ang kasong paglabag sa UP code of student conduct laban sa Upsilon Sigma Phi at Alpha Phi Beta (APB), at hawak na nila ang listahan ng mga pangalan na kasama sa nangyaring kaguluhan noong Nobyembre 13.
Hindi ibinigay ni Agpaoa ang bilang at mga pangalan ng mga estudyanteng kinasuhan para bigyang-daan ang imbestigasyon ng UP Police sa pagkakakilanlan ng iba pang nasangkot sa kaguluhan.
Matatandaang 25 miyembro umano ng fraternity ang nagrambulan sa Palma Hall ng unibersidad at naawat lamang nang dumating ang mga security guard at UP Police. Tatlong miyembro ng APB ang dinala sa UP Infirmary matapos magtamo ng mga pasa.
Kinondena ito ng UP Law Student Government (UP LSG) at bumuo ng fact-finding committee para makakuha ng mga impormasyon upang mapanagot ang mga nagsimula ng kaguluhan.