Ipinahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kung tutuusin ay napakasuwerte ng mga Amerikano dahil hindi nila kinakailangang kumuha muna ng visa bago makapasok sa Pilipinas kumpara sa mga Pilipino na kailangan makakuha nito para makatuntong sa Estados Unidos.
Sinabi ito ng kalihim matapos iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabawal na makapasok sa bansa ang dalawang Amerikanong senador na nagsulong ng entry ban sa Estados Unidos laban sa mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas na sangkot umano sa pagpapakulong kay Senador Leila de Lima.
Kung tutuusin aniya ay masuwerte ang mga Amerikano dahil hindi sila hinihingan ng visa kumpara sa mga Pilipinong nagpapakahirap para maisyuhan lamang ng US visa.
“Kung ano ‘yung requirements natin sa lahat, ‘yun din ang ibibigay natin sa kanila. Napakasuwerte nga nila hindi natin sila binibigyan ng visa samantalang tayo eh nagpapakahirap. Masyado silang naging privileged. Kasi nga they are not required to secure a visa,” dagdag ni Panelo.
Nilinaw nito na hindi pananakot ang naging desisyon ni Pangulong Duterte kundi para ipaintindi sa Amerika na hindi nila hawak sa leeg ang mga Pilipino, lalo na ang gobyerno.
Binigyang-diin ni Panelo na ang Pilipinas ay isang malayang bansa at hindi dapat na pinakikialaman ang proseso ng hustisya.
Sinabi ni Panelo na hindi kailangan ang batas para sa visa requirement ng lahat ng mga Amerikanong nais magtungo sa Pilipinas.
“Most likely we will issue an executive order to that effect requiring all American citizens to secure visa. Bureau of Immigration naman ‘yun eh, no law required,” ani Panelo. (Aileen Taliping)