Nanawagan si Senador Panfilo Lacson sa mga kasama­hang mambabatas na pag-aralang muli ang ipinapanukala nitong bawasan ang mga pinagkakalooban ng mga exemption sa Value Added Tax (VAT) upang makakolekta ng dagdag kita ang pamahalaan.

Sinabi ni Lacson na umaasa siyang ikokonsidera ng kanyang mga kasamahan ang kanyang panawagan matapos makita at maramdaman ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

“Doon magkakaalaman sa interest. Ano ba mauna national interest, interest of the people or of the few. Doon naglalaban lagi so I just hope na after this TRAIN 1, mapag-aralan uli,” saad ni Lacson.

Muling isinalaysay ng senador ang pagkadismaya sa ilang mga kasamahan na kumontra sa kanya nang una nitong isinulong na mabawasan ang pinagkakalooban ng VAT exemptions.

Dismayado rin aniya ito sa Department of Finance (DOF) na hindi sumuporta sa kanyang panukala bagama’t kasama niya ang mga ito sa pagbalangkas ng hakbangin.

Sa panukala ni Lacson, mula 143 industriya na pinagkakalooban ng mga VAT exemption ay ibaba na ito sa 65 na magdaragdag ng P117 bilyong kita sa pamahalaan.

Nang tanungin naman si Lacson kung handa nitong tuku­yin ang mga kasamahan na may sariling interes, sinabi nitong “Let us see kasi medyo obvious naman kung sino ang interest groups.”

Kinumpirma rin ni Lacson na tinanggihan niya ang pakiusap ng DOF na pangunahan ang pagsusulong ng TRAIN 2 dahil sa ginawa anyang pang-iiwan sa kanya sa ere sa panukala hinggil sa mga VAT exemption.

“Kaya nung nilalapitan nila (DOF) ako sa TRAIN 2, sabi ko teka muna may utang pa kayo sa akin na commitment. Ano ang assurance na this time around hindi na ganun ang gagawin nyo,” diin ni Lacson.