Tiniyak ni Manila Mayor- elect Francisco ‘Isko’ Moreno-Domagoso na hindi niya tatanggalan ng kabuhayan ang mga vendor sa Maynila kung susunod sila sa itinatadhana ng batas.
Kasabay nito, pinasalamatan rin ni Moreno ang mga barangay chairman na gumawa ng inisyatibo para linisin ang kani-kanilang lugar bilang pakiiisa sa kanyang plano na linisin ang buong Maynila.
Ayon kay dating Third District Councilor Bernie Ang na incoming secretary to the mayor, ikinatuwa ni Moreno ang ginawa ng barangay chairman sa Blumentritt area linisin at paluwagin ang lugar bago pa man pumasok ang bagong administrasyon.
‘Apparently, they have been inspired by the pronouncements of our new mayor, Isko Moreno, that he would embark on a massive cleanup of the city and such voluntary efforts on the part of our barangay chairman is highly appreciated by him,’ ayon kay Ang.
Umaasa umano si Moreno na gagayahin ng iba pang barangay chairman ang ginawang paglilinis sa Blumentritt.
Una nang sinabi ni Moreno na prayoridad niya ang paglilinis sa Maynila sa sandaling magsimula na siyang manungkulan.(Juliet de Loza-Cudia)