Mga volunteer doctor, nurse gawing DOH staff na

Iminungkahi ng isang mambabatas na gawin nang permanenteng empleyado ng Department of Health (DOH) ang mga doktor at nurse na nagboluntaryong tumulong upang mapigilan ang paglaganap ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Quezon City Rep. Precious Castelo, sa halip na bigyan lamang ang mga ito ng daily allowance na P500, dapat ikonsidera na ang pag-empleyo sa mga volunteer para mapunan ang kakulangan sa medical staff ng DOH.

“Their willingness to take the risk and join the war against this disease is their best qualification for those jobs,” ayon kay Castelo.

Kumbinsido ang mambabatas na pagdating sa pagpapasuweldo ng gobyerno ay maituturing na ring sapat at makatwiran na ito partikular sa mga doktor at nurse na nagsisimula pa lamang sa kanilang propesyon.

“The entry pay for doctors is Salary Grade 21 (P59,353), while that for nurses is Salary Grade 15 (P32,053) under a Supreme Court ruling handed down in October last year,” ayon pa kay Castelo.

Iminungkahi pa nito na habang pinoproseso pa ang pagkuha ng mga volunteer doctor at nurse bilang permanent personnel, maaaring gawin muna sila na mga consultant at pasweduhin ng katumbas ng salary grade 15 at 21, at hindi na P500 kada araw o P15,000 kada buwan kung sila’y magtatrabaho araw-araw. (Eralyn Prado)