Michael Mizrachi gumawa ng poker history

noli-cruz-all-n

Muling pinatuna­yan ni Michael Mizrachi na isa siya sa mga pinakamagaling na all-around poker player sa buong mundo matapos mapanalunan ang $50,000 Poker Players Championship sa ikatlong pagkakataon.

Ang Poker Players Championship ang isa sa mga pinakaprestihiyosong torneo sa po­ker dahil 10 laro ang kasali rito na kinabibilangan ng limit 2-7 triple draw lowball, limit Texas hold’em, limit Omaha/8B, limit razz, limit seven-card stud, limit seven card stud/8B, no-limit Te­xas hold’em with antes, pot-limit Omaha, badugi at 2-7 no-limit draw lowball.

Ang panalo ay nagbigay ng ikaapat na World Series of Poker (WSOP) bracelet kay Mizrachi at ng prem­yong $1,239,126. Napanalunan din ni Mizrachi ang Poker Players Championship noong 2010 at 2012.

Mula Day 2 ng limang araw na torneo ay chip leader na si Mizrachi at walang masyadong naging banta sa kanya sa final table. Ayon kay Mizrachi, ang turning point ng laban para sa kanya ay nangyari sa kaagahan ng Day 2 nang matapunan niya ng kape ang kanilang lamesa na nagresulta sa pitong minutong pagkaantala ng laro. Mula raw sa puntong iyon ay nagtuluy-tuloy na angsuwerte niya.

Pumangalawa sa torneo si John Hennigan na nakapag-uwi ng $765,837 habang pumangatlo naman si Dan Smith para makuha ang premyong $521,782.

Ang iba pang nagtapos na may anim na pigurang premyo ay sina Mike Leah ($364,197), Benny Glaser ($260,578), Aaron Katz ($191,234), Greg Mueller ($144,049), Brian Rast ($144,049), Phil Ivey ($111,447) at Shaun Deeb ($111,447).
Tanging sina Mizrachi at Rast (2011, 2016) lang ang multi-time winner ng Poker Players Championship.