Inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos dumalo sa pagdinig na isinasagawa ng Senado kaugnay sa P6.4-bilyong shabu shipment si Dong Yi Shen Xi alyas ‘Kenneth Dong’ dahil sa kasong rape na isinampa laban sa kanya sa Parañaque Regional Trial Court noong 2016.

Dakong alas-tres ng hapon nang dumating sa NBI Headquarters sa Maynila ang nakangiti pang si Dong dahil sa inilabas na arrest warrant ni Judge Aida Estrella-Macapagal noong Hunyo 30, 2017.

Ang pag-aresto ng NBI kay Dong ay sa ilalim ng ‘Coplan Loverboy’.

Nabatid na una umanong nagpalabas ng arrest warrant si Macapagal noong Hulyo 21, 2016 dahil sa reklamo ng isang businesswoman na edad 32 na ginahasa umano ni Dong habang walang malay sa kanyang townhouse.

Tumanggi naman magkomento si Dong nang tanungin ng mga mamamahayag sa NBI at nagsalita ng “’Wag na, ‘wag. Wala pa ‘kong kain, wala pa ‘kong tulog.”

Ayon naman sa abogado ni Dong na si Atty. Karla Frias na hindi naman sikreto ang kasong rape ni Dong at wala umano siyang pla­nong takasan ang kaso.