Hindi nagpakabog sina Kiefer Ravena at Joseph Yeo sa home stretch at naligtasan ng Mighty Sports Apparel Philippines ang host Singapore Slingers 72-70 para bumiyahe na sa final ng 2016 Merlion Cup basketball tournament nitong Sabado sa OCBC Arena.
Hahamunin ng Mighty sa finale ang Shanghai Sharks ni NBA Hall of Famer Yao Ming na tulad ng PHL squad ay unbeaten din sa torneo.
Ibinaon ng dating two-time UAAP MVP na si Ravena ng go-ahead basket, sinundan ng clutch 3-pointer ni Yeo tungo sa 72-68 lead ng Mighty 42 seconds na lang.
Sa final 28 seconds ay nanindak pa sa dalawa ang Slingers, pero napuwersa sa turnover ang hosts na sinamantala ng Mighty para selyuhan ang tiket sa championship.
Naligtasan ng PHL squad ang Singapore sa kabila ng masagwang 36 percent shooting, ayon kay coach Charles Tiu.
Suportado ng HC Technology Pte. Ltd., Huishi International Group, Cebuana Lhuiller at Scratch it, aasintahin ng Mighty Sports ang pangalawang sunod na international title matapos mag-hari sa Jones Cup sa Taiwan noong July.
Pero dadaan sa butas ng karayom ang Mighty dahil mas matatangkad ang Sharks na babanderahan ni dating NBA player Jimmer Fredette.
Kontra Slingers, pinangunahan ng 31 points ni Dewarick Spencer ang Mighty Sports, tumapos ng eight si Ravena at five kay Yeo.