18 years old na si Miguel Tanfelix nu’ng Wednesday (September 21).

Ang dating paslit na aktor na ­naging tween, ngayon ay legal age na.

5’6 ½” ang height ni Miguel, na walang hilig gumimik, gumala at mag-party. Sa bahay lang siya lagi, nagbabasa ng books o naglalaro ng basketball.

Ayaw uminom o magyosi ng ­bagets, na kinuhang U4U youth ­ambassador ng Commission on Population.

Tinuturuan niya ang mga kapwa niya kabataan na mas maging responsable at iwasan ang premarital sex.

Pumupunta si Miguel sa mga school para ituro sa teenagers na hindi dapat makipag-sex ang mga kabataan, lalo na ang mga babae dahil sila ang mas kawawa kapag nabuntis.

Bago naging youth ambassador ang ­Kapuso young actor ay marami siyang pinagdaanang workshops at pag-aaral para alam niya ang mga sasabihin niya tungkol sa bagay na ‘yon.

Sabi sa amin ni Miguel, alam niyang ­maiinit at mapupusok ang mga kabataan, pero kaya raw iwasan ang mga ganu’ng bagay kung ­maituturo at maipapaliwanag sa mga ito ang tungkol doon.

Responsible teenager si Miguel na nagagawang pagsabayin ang kanyang work at studies.

Napaka-wholesome rin niya at virginal ang dating, na kinumpirma niya sa amin dahil totoo raw na virgin pa siya.

Kailan niya balak ma-experience ‘yon?

“Kapag alam ko pong ready na ako, na kaya kong panagutan kung anuman ang mangyari,” sagot ng inosenteng ­bagets.

Hindi niya ba ­naisip na baka may nami-miss siyang masayang ­parte ng buhay dahil hindi niya tina-try ang bagay na ‘yon?

“Mata-try ko rin naman po ‘yon in the ­future.”

Kailan? 18- anyos na siya, ‘di ba?

“Hindi ko naman po siya tinitingnan sa edad. Kapag alam mo pong responsible ka at kaya mong panagutan ‘yung papasukan mo.

“Sabi nga po nila, nasa huli ang pagsisisi. At saka ang pinakatumatak po sa akin ay huwag kang mag-settle sa panandaliang sarap at pangmatagalang hirap,” pakli ng cutie pie na binata, na bida sa first ever interactive romcom series ng GMA na Usapang Real Love.

Hindi pa masasabi ni Miguel na may ‘real love’ na sa pagitan nila ng ka-loveteam niyang si Bianca Umali, pero merong love bilang magka-work, magkaibigan at magka-loveteam. ­Hindi pa ‘yung love na sila na.

May usapan silang dalawa na huwag muna silang magrelasyon dahil mga bata pa sila at ­hindi pa ready. 16-anyos lang si Bianca.

Happy sila kung anuman ang meron sila ngayon, pero siyempre, hindi raw papayag si Miguel na hindi siya ang maging first boyfriend ng lalong gumagandang si Bianca.

Magsisimulang mapanood ang URL sa Linggo (September 25) nang hapon pagkatapos ng GMA Blockbusters.