Migz binenta si Ping, nakipag-areglo sa mga mahilig sa pork

Nagsariling kilos si Senate Majority Floor Leader Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri matapos na makipag-usap ito sa mga mambabatas para magkaroon ng ceasefire matapos nilang patutsadahan si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson kaugnay ng alegasyon nito tungkol sa ‘pork’ insertion sa 2020 national budget.
Aminado si Zubiri na hindi pa niya nakakausap si Lacson hinggil sa kanyang ginawa.
“I haven’t talked to Sen. Ping about it but you know each and every (member) of the House and the Senate is entitled to opinion. Wala namang problema ‘yun,” ani Zubiri.
Sa kanyang pagsisiwalat kahapon, sinabi ni Zubiri na nagkasundo ang ilang miyembro ng Kamara na magkaroon ng ‘ceasefire’ sa isyu ng diumano’y pork barrel sa 2020 national budget matapos niyang makausap si House Majority Floor Leader Martin Romualdez sa birthday party ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. Miyerkoles nang gabi.
“We already agreed for a ceasefire because individual members of the Senate and individual members of the House that criticize one another does not represent the institution,” pahayag ni Zubiri sa panayam ng mga reporter kahapon.
Nakiusap din umano siya kay Anak Kalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na huwag na munang magkomento sa isyu at pumayag naman umano ito.
Ayon pa kay Zubiri, pakikiusapan din umano niya si Lacson na tumigil na sa pagbibigay ng komento sa isyu para maiwasang lumala ito sa isang ‘word war’. (Dindo Matining)