tonite-imo-vinia-vivar

Ngayong Feb. 14 ang first Valentine’s Day nina Mika dela Cruz at Nash Aguas na opisyal nang magkarelasyon pero dahil bata pa lang sila ay magkasama na sila bukod pa nga sa matagal na nanligaw ang huli sa una, all in all ay mga 12 years raw sila talagang magkasama.

Ayon kay Mika, every year daw ay parating may surprise sa kanya si Nash kapag ganitong Valentine’s Day kahit noong nanliligaw pa lang ito.

“Maliit man, malaki man, minsan, magluluto lang ng pagkain. Lagi. Kahit maliliit na bagay. Actually, sa mas maliliit na bagay. Eh ‘yun ‘yung importante, eh. Minsan, hindi mo mararamdaman ‘pag sobrang laki. Pero ‘yung maliliit na bagay, ewan ko tita, doon ako natutuwa, eh,” sey ni Mika nang makausap namin sa presscon ng bago niyang serye sa GMA Telebabad na “Kara Mia.”

Ano ang pinaka-memorable para sa kanya na ginawa ni Nash ng Araw ng mga Puso?

“Actually po, kung babalikan po ‘yung mga ginawa niya para sa akin, 12 years na po kaming magkaibigan, magkakilala and may ganun’g nangyayari.

“Pero ‘pag iniisip ko ‘yung mga ginawa niya para sa akin, hindi ko naaalala ‘yung mga ngayon na kami na, eh. Naaalala ko ‘yung mga ginagawa niya para sa akin nu’ng bata ako.

“Biruin mo, tita, batang-bata siya, nagti-taping kami ng “Goin’ Bulilit” sa Singapore, nakita niya wala akong baon na pera, naubos ko na sa mga pagkain, sa mga drinks, tapos nakita niya na may tinitingnan ako na mermaid na ballpen. Ilang taon lang siya nu’n, 9, 10? Nagulat ako, tita, next taping namin, binigay niya sa akin, binili niya. Ganu’n siya.

“Lagi niyang buhat ‘yung bag ko, alam po ng mga staff ng “Goin’ Bulilit” ‘yan, lagi niyang hawak ‘yung bag ko kahit saan kami. Minsan, naiiinis na ‘ko, “bag mo ba ‘yan? Si Dora ka ba? Ba’t lagi kang naka-bag?” kuwento ni Mika.

Naalala rin ng young actress na kahit takot na takot si Nash sa Ate Angelika dela Cruz niya ay pumunta pa rin daw ito sa bahay nila.

“Takot na takot siya, pero pupunta siya sa labas ng bahay ni ate, habang umuulan, may dala-dala siyang cream puff. Tapos, hindi na lang siya magpapahuli kay ate, sa labas lang siya, iaabot lang niya, tapos, aalis na siya. Pero basang-basa siya sa ulan.

“‘Yun po ‘yung naalala ko, ‘yun po ‘yung mga tumatak sa akin, ‘yun po ‘yung mga ginagawa niya sa akin nun’g bata ako,” kuwento ni Mika.

Pero ngayong araw na ito na first Valentine pa naman nila, ayon sa batang aktres ay nasabay naman daw na may trabaho sila pareho. May taping daw si Nash ng bagong soap nito sa ABS-CBN at siya rin naman daw ay may screening.

“Pero mukhang kakain po kami after. Pero kung hindi talaga kaya, marami namang oras, eh. Everyday is Valentine naman. Puwede namang after. Wala namang problema ‘yun, hindi naman kami ibang tao sa isa’t isa,” she said.

Four months pa lang ang relasyon nila pero hindi naman daw nila nararamdaman na bago pa lang sila dahil nga childhood friends sila. Samantala, masa­yang-masaya si Mika na finally ay nabigyan na siya ng first title role sa GMA-7, ito ngang “Kara Mia” kung saan ay da­lawa silang bida ni Barbie Forteza.

Ang tagal din daw niyang naghintay at bago ito dumating ay lungkot na lungkot daw siya dahil may dalawang project na inasam niya’t akala niya ay sa kanya na, pero ang ending ay hindi napunta sa kanya.

Kaya nang dumating naman daw ang “Kara Mia,” talagang feeling niya ay sulit na sulit ang kanyang paghihintay sa ganda ng materyal.

Sa Feb. 18 na magsisimula ang “Kara Mia” at kasama rin sa serye sina Paul Salas at Jak Roberto bilang lea­ding men nila ni Barbie.