Mika, Sta. Lucia titisurin ang PLDT

Mga laro Sabado/Pebrero 29:
(FilOil Flying V Centre)
4:00pm — Opening Ceremony
5:00pm — Petron vs Generika-Ayala
7:00pm — PLDT vs Sta. Lucia

Buong puwersa ang ibubuhos ng Sta. Lucia Lady Realtors sa opening day ng Philippine SuperLiga Grand Prix 2020 kontra PLDT Home Fibr Hitters Sabado sa FilOil Flying V Centre.

Ibabandera ng Sta. Lucia ang kanilang power ­import Shainah ­Joseph kasama rin ang kanilang mga bagong player na sina Mika Reyes, Royse Tubino, ­Djanel Cheng, Bang ­Pineda, Marge Tejada, Aie Gannaban at ­Fil-American hitter Jessica Vestal.

“Ang mapapangako lang namin kada laban na gagawin namin, ibibigay namin lahat ng puwede naming ibigay para makuha ‘yong panalo,” sambit ni head coach Eddieson Orcullo.

Tatapatan naman ito ng PLDT Po­wer Hitters sa pangu­nguna ni import Maeva Orle at veterans Shola Alvarez, Aiko Urdas at Lizlee Ann Pantone.

Makakasama rin ng ­koponan para sa kanilang kampanya ngayon taon si veteran mentor coach ­Roger Gorayeb na na-diagnosed na may multiple myeloma.

Magtatapat ang dalawan koponan alas-7 ng gabi pagkatapos ng ­tapatan ng Petron Blaze ­Spikers at Generika-Ayala Lifesaves alas-singko ng hapon. (Janiel Abby ­Toralba)