Mike Arroyo tinuluyan sa chopper scam

INIUTOS ng Sandigan­bayan ang pagpapatuloy ng paglilitis sa kasong graft na kinakaharap ni dating first gentleman­ Jose Miguel ‘Mike’ ­Arroyo at kapwa akusado na may kinalaman sa umano’y maanomal­yang pagbebenta ng mga second-hand chopper sa Phili­ppine National Police (PNP) noong 2009.

Sa isang resolusyon na may petsang Enero 30, 2020 ibinasura ng Sandiganbayan 7th Division na pinamunuan ni Judge Ma. Theresa Dolores Gomez-Estoesta ang inihaing motions for leave of court to file demurrer to evidence ng 12 akusado dahil sa kawalan ng merito.

Ayon sa korte, lumi­litaw na may sapat na ebidensiya para sa pangangailangan na maipresenta ng depensa ang kanilang mga ebidensiya.

Ang ‘demurrer to evidence’ ay madalas inihain ng isang akusadong indibidwal para sa ‘outright dismissal’ ng kaso kung sa kanilang paniwala ay hindi nakapagpresenta ang prosekusyon ng sapat na ebidensiya laban sa kanya.

“The most cost-effective and expeditious way to do this is to proceed to trial, unabated by any other motions,” ayon pa sa resolusyon.

Pinonente ni Gomez-Estoesta ang kautusan na sinang-ayunan ni Associate Justices Zaldy Trespeses at Georgina Hidalgo.

Sinabi pa ng korte na walang bago sa posiyon ni Arroyo sa halip inulit lamang umano nito ang kanyang naunang posisyon na hindi umano napatunayan ng prosekusyon ang ukol sa akusasyong pag-aari niya ang naturang mga helicopter gayundin ang pakikipagsabwatan niya sa mga sangkot na public official.

Sa panig naman ni dating National Police chief Jesus Verzosa, sinabi nitong pinirma­han lamang niya ang mga dokumento at walang nakikita at sinasabing may alam at partisipasyon siya sa anumang iregularidad sa procurement ng mga chopper.

Giit ng prosekusyon na ang naturang mga argumento ay natugunan na sa kanilang consolidated opposition.

“At this instance, the assertions of private accused Arroyo cannot defeat, without controverting evidence on his part, the evidence mostly presented against him, among others, by prosecution witnesses Archibald Po, Renato Sia and Editha Solano Juguan,” ayon sa korte. (Eralyn Prado)