Walang tutol si Pangulong Rodrigo Duterte na maging miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) si Abdurahman Macapaar o mas kilala bilang Commander Bravo.
Kabilang si Commander Bravo sa mga matitinig na mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na dumalo sa panunumpa ng mga miyembro ng BTA kahapon.
Ayon kay Commander Bravo, ito ang unang pagkakataon na nakaapak siya sa Malacañang kasama ang iba pang base commander ng MILF.
“Yes this is my first time,” ang maiksing sagot ni Commander Bravo nang tanungin ito ng ilang mamamahayag.
Si Commander Bravo ay isa sa mga naglunsad ng pag-atake sa ilang komunidad sa Lanao del Norte noong Agosto 2008 matapos ideklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain noong panahon ng administrasyong Arroyo.
Sinabi naman ni Pangulong Duterte na makakatulong si Commander Bravo sa pagtatatag ng Bangsamoro government batay sa mga naging karanasan nito bilang rebolusyonaryo.
Si Commander Bravo aniya ay isang rebolusyonaryo, at isa sa adhikain ng administrasyong Duterte ay tapusin ang rebolusyon sa Mindanao kaya malaki ang magiging papel ng dating Bangsamoro fighter dahil tinanggap ang hamon ng gobyerno para magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon ng Mindanao.
“He is a revolutionary. We are talking here of ending a revolution so you should talk to a revolutionary or a warrior of that war,” anang Pangulo.