MILF platoon leader, misis huli sa P3.4M shabu

Umaabot sa P3,400,000 halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa naarestong platoon leader ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), misis at dalawa pang kasabwat na babae sa isinagawang buy-bust operation sa Cotabato City, nitong Miyerkoles.

Kinilala ni PDEA Director General Aaron Aquino, ang nadakip na sina Johare Adam Talib alyas Alex/Sare, platoon leader ng MILF 105th Base Command, at misis niyang si Rahma Kalibu Talib alyas Bai Rakma/Machulig. Kasama sa naaresto sina Kandong Pait, at Norma Panes.

Sa report, alas-4:35 ng hapon (Enero 22), nang madakip ang mga suspek ng pinagsanib na puwersa ng PDEA Regional Office Bangsamo­ro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PDEA-RO-BARMM) sa ilalim ng superbisyon ni Director Juvenal Azurin, PDEA Regional Office XII (PDEA-RO-XII) at local police sa bisinidad ng Cotabato City Plaza, Makakua St., Poblacion 5, Cotabato City.

Nabatid na kasama pa ng mag-asawa ang dalawa nilang anak na nasa edad 2 at 4 sa loob ng multi-cab van nang dakpin ang mga ito, na itinurn-over sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO).

Nakumpiska sa mga suspek ang isang sando bag na naglalaman ng 10 plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng 500 gramo, at nagkakahalaga ng P3,400,000, mobile phone, passport, multi-cab van, at buy-bust money.

Ang mga suspek na nakapiit ngayon sa PDEA headquarters. (Dolly Cabreza)