Plano ng Malacañang na ideklarang terorista ang New People’s Army (NPA) at posibleng isama na rin ang militanteng grupo dahil maaa­ring ka­sabwat ang mga ito sa nagaganap na rebelyon sa bansa.

Sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na  mayroong malaking ‘conspiracy’ sa mga rebelde at ilang grupo tulad ng Bagong Alyansang Maka­bayan o BAYAN na pinamunuan ni Renato Reyes at ginagamit sa propaganda ang mga ito para dalhin sa kalsada ang kanilang paninira laban sa gobyerno.

Kinikilala aniya noon ang NPA bilang lehitimong rebelde subalit dahil sa patuloy na pag-atake at pagpatay ng mga inosenteng mamamayan  tulad ng apat na buwang sanggol ay hindi na niya ito palalampasin.

Dahil dito, sinabi ni Pangulong Duterte na aalisin niya ang mga ito sa kategorya ng isang legal entity at mag-iisyu ng proklamasyon para ilagay sa kategoryang mga terorista.

“It’s a great conspi­racy between itong BA­YAN. They are in conspiracy with the rebellion going on.

We will study and maybe we will have a crackdown there somewhere. Nagsasawa na ako sa kalokohan nila.

“I will be issuing a proclamation. I will remove them from the ca­tegory of a legal entity or at least a semi-movement which would merit our attention, placing them as terrorist,” ang pahayag ng Pangulo.

Sinabi pa ng Presidente na ituturing nang kri­minal ang mga ito at masasampahan ng mga mabibigat na kaso tulad ng murder, arson at terrorism.

“So beginning from now, wala ng rebellion-rebellion because rebellion is just light offense, it can be bailable except for the leaders. We will file terrorist, murder lahat. Arson with murder, lahat na because I would consider them criminals already,” dagdag pa ng Pangulo.

Tinukuran naman ng Armed Forces of the Phi­lippines (AFP) ang pagbansag ng kanilang commander in chief sa NPA bilang teroristang grupo.

Ayon kay AFP spokesman Maj. Gen. Restituto Padilla, hindi masisisi ang Pangulo dahil sa ginawa naman nito ang lahat ng paraan para magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan.