Hindi kinanti ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang mga kritikong bumabatikos sa kanyang laban kontra iligal na droga nang bumisita at magtalumpati sa harapan ng mga miyembro ng Philippine Army sa kanilang headquarters sa Fort Bonifacio kamakalawa.
Sa halip, sa pagharap sa mga sundalo ay pinaalalahanan ng Pangulo ang mga ito na paghandaan ang patuloy na banta ng terorismo sa Pilipinas at ilang parte ng mundo.
Sinabi pa ni Pangulong Duterte na bukod sa malalang problema sa iligal na droga ay ang terorismo ang dapat na paghandaan.
“But I think the most telling would be, huwag kayong magtanong kung kailan dadating ‘yan. Sigurado ako. Maybe during my presidency or after,” sabi ni Duterte sa banta ng terorismo.
“But, from what I just basa-basa and talks with the intelligence community of the other countries, especially in the Middle East, mukhang naghanap ito, sila ng bagong frontier.
And I think na ang susunod nito would be Indonesia, Malaysia and the Philippines,” dagdag nito.
Kasabay nito ay nagbigay ng katiyakan ang Pangulo na hinding-hindi siya makikipag-deal sa Abu Sayyaf Group (ASG).
“I will not deal with them (ASG). They will talk to me but they’ll not negotiate with me.
This is not a fascist state where you can just accuse any person,” sabi pa ni Duterte.
“You have to understand now that the enemy is ‘yung mga militante. Ito ‘yung mga Daesh o kaya ISIS,” giit pa ng Pangulo.