Militar na senador walang ginawa, pangbababoy lang – Duterte

Nagpatutsada si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga dating military na naluklok umano sa Senado pero wala namang ginawa na mahalagang batas.

Sinabi ito ng Pangulo sa kanyang pagbisita ­nitong Biyernes ng hapon sa mga sinalanta ng bagyong Usman sa Camarines Sur.

Hindi aniya siya naninira pero may mga military na nakasampa sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso na wala namang nagawang mahalagang ­batas para sa sambayanan.

“I’m not trying to derogate anybody. May mga military naman diyan. Nakita mo naman ‘yung ginawa. Was there any legislation of significance? Wala, puro pang-baboy ng tao,” anang Pangulo.

Hindi pinangalanan ni Pangulong Duterte kung sino ang kanyang pinapatutsadahan pero numero unong kritiko nito si Senador Antonio Trillanes IV.

Ang isa pang dating militar sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso ay si Senador Gregorio ‘Gringo’ Honasan na hinirang ng Pangulo bilang bagong kalihim ng Department of Information and Communications Technology. (Aileen Taliping)