Palaisipan sa mga awtoridad kung galamay ng Abu Sayyaf Group (ASG) o private army ang isang lalaking umeskapo matapos na mahulihan ng sandamukal na armas ng militar matapos ang isang engkwentro sa Basilan sa lalawigan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Sinabi kahapon ng Western Mindanao Command na nagpapatrulya ang mga tropa ng maispatan ang lalaki bitbit ang mga armas at bigla na lamang nagpaputok sa mga sundalo. Wala namang naiulat na nasugatan sa panig ng militar.

Nakatakas ang lalaki at naiwan ang kanyang mga armas kabilang ang isang M14, isang M16 rifles, maraming bala, apat na rifle grenades, isang largavista, isang pares ng combat shoes at duyan.