Napagdaanan na ng Pilipinas ang pagkakaroon ng mga kudeta kaya walang nakikitang dahilan at banta si Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) founder at dating senador Nene Pimentel na daranasin ng Pilipinas ang senaryo ngayon sa Turkey kung saan sumiklab ang isang military coup.
“Talagang nakakayanig sapagkat si President (Recep Tayyip) Erdogan sa Turkey, marami siyang pangungusap o plano to modernized Turkey in other words para bagang ayaw n’ya ng magkaroon ng influence ang mga ISIS doon, terrorist group doon sa Turkey pero at the same time mukhang nagiging authoritarian din s’ya ang general impression ng mga tao doon kung saan nababasa natin na ‘yun ang isa sa pinakamalaking dahilan kaya umalsa ang Armed Forces,” komento ni Pimentel sa talakayan sa radyo kahapon.
Ganunpaman, binigyang diin nito na huwag sanang gayahin ang military adventurism na nangyayari sa Turkey.
“Pero ‘yung bagay na ‘yun ay ‘wag naman sanang tularan dito sa bansa natin sapagkat nakita na natin anong mangyari ‘pag authoritarian ruler ang i-install mo whether done by military or by any other means sapagkat para bagang patay ang demokrasya ‘pag ganu’n sapagkat ang pag-iisip lamang ng ilang sektor, tao, ang mangingibabaw sa bansa natin.
“Kaya itong pangyayari sa Turkey ngayon ay sana matapos na ‘yan at maibalik ang tunay na elected President doon who happens to be Erdogan incidentally but it’s up to the Turkish people of course what to do about it in the process dapat manatili ang ating pag-iisip, in other words mangingibabaw pa rin ang demokrasya kaysa authoritarian interest ng sinumang tao,” dagdag nito.