Milking cow

Bangon na, Joel Reyes Zobel

Road board daw ang ugat kung bakit pinupuntirya ng mga kongresista si Budget Secretary Benjamin Diokno.

Ito ang sinabi mismo ni Diokno sa panayam ng Super Radyo DZBB. Sinabi ni Diokno, noon pa man ay ipinanukala na nilang buwagin ang road board, kung saan ay kabilang sa mga direktor si Diokno, sa simpleng kadahilanan na hindi marapat na mga miyembro lamang ng board ang nagdedesisyon kung saan gugugulin ang pondo na nagkakaha­laga ng bilyon-bilyon piso kada taon.

Naniniwala si Diokno na marapat na ang Kongreso, sa kabuuan ang siyang nagdedesisyon kung saan ilalaan ang pondo. Maliban pa sa katotohanan na ginawa nang gatasan ng mga tiwaling opisyal ng Kongreso at ehekutibo ang nasabing departamento na nasa ilalim ng DPWH.
Sa ngayon, P45B pondo na ang naubos nang hindi man lang malinaw kung saan ito ginuhil. Ang road board ang siyang binabagsakan ng pondo na sinisingil sa rehistro ng mga sasakyan sa pamamagitan ng MVUC O motor vehicle users charge.

Depende sa sasak­yan, ang singil ay mula tatlong daan hanggang apat na raang piso kada rehistro. Layunin ng pondo ang pagppganda ng kalagayan ng ating mga kalsada para mapanatiling ligtas ito sa mga motorista.

Dahil sa pagpapabuwag, hinihingi ng mga kongresista ang ulo ni Diokno.

Sa ilalim ng pamumuno ni dating Spea­ker Pantaleon Alvarez, naisulong ang panukalang batas na buwagin ang road board.

Nagawa nilang i-transmit ang panukalang batas na nagpapabuwag dito sa senado at buong buo itong nai-adopt ito ng Senado. Kamakailan lamang ay pinababawi ng kamara ang panukala sa pagsasabing nagkaroon ng lea­dership change ang kamara sa ilalim ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Sa panahon ni da­ting Pangulong GMA, inabuso ng lubusan ang departmanetong ito. Sampung taon nila itong ginatasan matapos ilagay ang mga taong pinagkakauta­ngan ni GMA ng loob dahil sa tulong ng mga ito sa pagkakaluklok niya sa puwesto.

Buo na ang isipan ng Pangulong Duterte na buwagin ang Road Board dahil ­naniniwala ang Pa­ngulo na pugad ang departamento ng korapsiyon.
Pirma na lamang ng pangulo ang kailangan para itoy mabuwag. Panahon na para mabawasan ang mga departamentong pinamunugaran ng mga magnanakaw. Panahon na nang pagbabago gaya nga ng pangako ng admi­nistrasyong Duterte. Buwagin na ang Road Board.