Millennial problem: Sex, social media at HIV-AIDS

spy-on-the-job-newbox rey marfil

Isang bagay siguro na ikinatutuwa ng henerasyong ‘millennial’ ay ang pag-usbong ng social media sa kanilang panahon. Bakit nga ba naman hindi, aba’y pa-chat-chat lang at pag-group-group lang, marami ka nang makikilala at posible pang makalambutchingan.

Pero hinay-hinay lang sa sarap mga millennial at baka ang kasunod ng ligaya eh habambuhay na disgrasya… ‘yan eh kung mapapahaba pa ang buhay n’yo kapag tinamaan kayo ng lintek na HIV/AIDS.

Batay kasi sa nakaraang datos ng mga Pinoy na nagkaroon ng nakamamatay na virus, lalong dumarami ang mga tinatamaan ng HIV na nasa edad ng mga millennial na 15 hanggang 34. At karamihan sa kanila, mga kelot na pumapatol sa kapwa nila kelot.

Sa mahigit 600 katao na nagkaroon ng HIV sa datos noong Abril, aba’y 80 porsiyento sa kanila ay millennials. At sa bilang na ito, mahigit kalahati ay mga lalaki na ang kasiping ay gaya nilang mga lalaki.

Nasa 50 kaso lang ang mga lalaki na babae ang gusto, pero mahigit 180 ang kasong naitala ng mga lalaki na doblehan o ‘yung pwede sa lalaki at pwede chiks.

Hindi biro ang lumalabas na numero ng mga millennial na nagkaka-HIV/AIDS, dahil mula Enero hanggang Abril lang ngayong 2017, naku po, mahigit 2,600 na ang nasapul ng virus. Wala pa rito ang datos ng Mayo at Hunyo at may anim na buwan pang nalalabi sa taong ito.

Kung tutuusin, hindi na bago ang balita na dumarami ang tinatamaan ng HIV/AIDS sa bansa dahil ganito na ang takbo ng bilang kahit noong pang nagdaang mga taon. Pero ang nakababahala, mukhang mas mabilis yata ang pagdami lalo na sa hanay ng mga kabataan ngayon.

Ang tanong marahil ng ating mga kurimaw, bakit nga ba? Paniwala ng ilang tagamasid, malaking bagay sa posibleng mabilis na pagdami ng HIV/AIDS cases ang social media.

Bakit nga ba naman hindi, aba’y mag-post ka lang mensahe sa social media account o sa kinabibilangang ‘grupo’ ng meet up, at kapag may kumagat, ayos na ang buto-buto.

Kung minsan pa nga ay may mga naglalagay ng kanilang ‘budget’ sa sinumang kakagat sa imbitasyon nilang ‘lakad.’ Pero pakaingat din kayo dahil kung hindi man ‘carrier’ ng HIV ang makuha n’yo, baka naman holdaper ito o ‘scammer’ na magtatakbo lang ng pera n’yo o kaya naman ay chaka ang hitsura sa personal dahil peke pala ang gamit na litrato sa profile pic.

Sa ganitong lumulobong problema, dapat pag-aralang mabuti ng mga kinauukulan ang gagawing kampanya upang mapigilan ang init ng laman ng mga millennial — lalo na sa mga kelot na kapwa kelot ang tipo.

Mukhang ‘wa epek sa kanila ang pagpapagamit ng condom dahil sa katwirang ‘di nila lubos na ‘feel’ kapag nakabalot ng ‘kapote’ si manoy.

Hindi rin siguro magandang pangbenta ang linyang magpa-test kaagad at kung lumitaw na positibo sa HIV ay may gamot naman na maaaring inumin para mapabagal ang virus at mapahaba ang buhay.

Aba’y kung may HIV na ang isang tao at umiinom lang ng gamot, anong garantiya na hindi na siya makikipagsiping sa iba? Hindi kaya isa ito sa dahilan ng pagdami ng mga nakaka-virus?

May mga nagsasabi na hindi ‘pahabaan’ ang buhay kung hindi ‘pasarapan.’ Pero dapat na tandaan na mas marami kang mararanasan na iba’t ibang uri ng sarap sa buhay kung magiging mahaba ang iyong buhay.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)