Isusulong ng Archdiocese ng Cagayan de Oro ang aktibong pakikibahagi ng kabataan sa mga gawaing may kaugnayan sa nakatakdang May 2019 midterm elections.
Ayon kay Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma, mahalagang maging bukas ang mga mata ng kabataan sa tamang proseso ng eleksyon sa pamamagitan ng aktibong pakikisangkot sa halalan.
Tinukoy ng Arsobispo ang pagsusulong ng arkediyosesis sa aktibong pakikibahagi ng kabataan bilang volunteer sa National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) at Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na pawang nagsisilbing tagapagbantay sa proseso ng halalan sa bansa.
Giit ni Archbishop Ledesma, mahalaga rin na matutong kumilatis ng mga kandidato ang kabataan upang makapaghalal ng mga karapat-dapat sa posisyon.
Naglabas din ng mga pamantayan ang Archdiocese of Cagayan de Oro na magsisilbing patnubay ng mga botante sa pagpili ng mga kandidatong dapat na ihalal sa 2019 midterm elections.
Ayon kay Archbishop Ledesma, tinatawag ang pamantayan na ‘5 C’s For Voting For People Who Work For The Common Good’ na layuning magabayan ang mga botante sa pagpili ng mga karapat-dapat na opisyal para sa bayan.
Sinabi ng Arsobispo na dapat maging mapanuri ang mga botante sa pagkilatis sa mga kandidato batay sa kanilang Conscience, Competence, Compassion, Companion at Commitment.