ANG saya sa loob ng sinehan nang manood kami ng I’m Drunk, I Love You dahil super-react ang millennial audience.

Parang lahat ng eksena ay relate na relate ang mga kasabay naming nanonood kaya feel na feel nila.

Sa istorya, ilang araw bago ang kanilang graduation sa UP ay nagkayayaang mag-one last road trip ang college best friends na sina Dio (Paulo Avelino) at Carson (Maja Savador).

Karay ni Carson ang kanyang beki buddy na si Jason Ty (Dominic Roco), dinayo nilang tatlo ang Daluyon Music Festival sa La Union.

Parehong sinagad nina Dio at Carson ang maximum 7 years nila sa UP.

Sa isang gabi ng la­singan at kantahan ay nagkaaminan. Sa wakas ay nasabi ni Carson kay Dio ang kanyang tunay na nararamdaman.

***

Undeniable ang screen chemistry nina Paulo at Maja, na parehong effortless sa pelikulang ito.
Halos hindi umaarte ang dalawa, lalo na si Maja na natural lang at siyang-siya ‘yung karakter niyang si Carson na kikay at nakakaaliw.

Sobrang cute ‘yung inuman scene nila ng beki bespren niyang si Dominic na iniisa-isa ni Maja ang mga katangahan niya sa pitong taon na humo-hopia siya kay Paulo.

Benta ang mga kwelang hirit ni Dom kay Maj gaya ng ‘7 years a slave’ at ‘Happy Horse for the happy whore’!

Quota sa feels ‘yung emo kantahan at gitarahan sa kuwarto ng PauMaj, na nauwi sa madamdaming pag-amin ni girl sa true feelings niya kay boy.

Ang husay ni Maja sa almusal scene na habang lumalantak ng danggitsilog ay umiiyak niyang kinukuwento kay Dom ang ginawa niyang pag-amin kay Pau the night before.

Parang lahat ng nakaranas ma-friendzone o mga patuloy na humo-hopia ay makikiiyak sa kanya sa moment niyang ‘yon.

***

Ang bonggah ng music ni Jerrold Tarog, na gumamit ng mga piling kanta na kadalasan ay siyang nagsasabi ng nararamdaman ng mga bida.

Hindi kahusayang singer si Paulo, pero in fairness ay okey siya sa mga song number niya tulad ng solo niyang Lloydy (ng Shirebound and Busking) na tungkol kay John Lloyd Cruz.

Panalo rin ang rakrakan duet nila ni Maja ng Minamahal Kita (ng Parokya ni Edgar). Si Maj ay may sa­riling solo number sa hugot song na Huling Gabi (ni Juan Miguel Severo).

Perfect si Jasmine Curtis Smith bilang gandarang ex-girlfie ni Pau na si Pathy (yes, may H), na very classy at vegan kaya hindi ito kumakain ng bagnet.

‘Yun pa naman ang paborito ng tatlo, na me­ron pang ‘bagnet dance.’

Pabor kami sa bittersweet ending na kasabay ng pag-graduate ng martir na si Carson sa college ay grumadweyt na rin siya sa kanyang pagpapakatanga.