Nilimas ang milyong halaga ng mga mamahaling alahas at mahahalagang kagamitan ng hinihinalang miyembro ng ‘Akyat Bahay’ gang ang tahanan ng retiradong fiscal sa Quezon City, kahapon nang madaling-araw.
Batay sa inisyal na report kay P/Sr. Insp. Alan T. Dela Cruz ng Criminal Investigation and Detection Unit, (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), nilooban ng mga kawatan ang tahanan ni George Florendo Cabanilla, 65-anyos, retired fiscal sa No. 17 Mindanao Ave., Brgy. Bagong Pag-asa, QC.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Virgilio Mendoza ng CIDU, sinabi umano ni Evelyn Evarista, kasambahay ng biktima, paggising umano niya dakong alas-5:20 nang madaling-araw (Disyembre 9) ay magsisimula na sana siyang maglinis sa buong kabahayan nang mapansin nito na parang dinaanan ng bagyo ang sala at bukas ang bintana sa kusina.
Dahil dito ay agad pinuntahan ng kasambahay ang silid ng kanyang amo at sinabing pinagnakawan ang loob ng kanilang bahay.
Doon ay saka lamang nalaman ng ex-fiscal na nawawala na ang kanyang 1 Samsung Tablet na nagkakahalaga ng P15,000; isang Celine bag, kulay asul na Balenciaga bag na naglalaman ng mga importanteng dokumento, passport, mga mamahaling alahas na nagkakahalaga ng P3.8 milyon, at P150,000 cash.
Hinala ng awtoridad, posibleng kilala ng biktima ang kawatan dahil alam nito ang pasikot-sikot sa bahay at pinaglalagyan ng mga mamahaling alahas nang nasabing dating fiscal.