Milyong CCTV kailangan sa Pinas

cctv

Nais ng isang mambabatas na gayahin ng Pilipinas ang ibang bansa tulad ng United Kingdom (UK) at tadtarin ng milyong Closed Circuit Television (CCTV) camera ang bansa partikular na ang Metro Manila.

Ginawa ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza ang nasabing mungkahi dahil kulang pa ang puwersa ng Philippine National Police (PNP) para bantayan ang sambayanang Filipino laban sa kriminalidad.

Sa ngayon, aniya, nanatiling 1:690 ang ratio o isang pulis ang nagbabantay sa 690 tao at malayo pa ito sa ambisyon ng PNP na ibaba ito sa 1:500 kaya pansamantala ay tadtarin muna ng CCTV ang bansa.

“Round-the-clock public video surveillance has become an extremely practical crime-fighting tool. It has helped law enforcement agencies ­everywhere apprehend all sorts of offenders, from car thieves to kidnappers,” ani Atienza.

Inihalimbawa nito ang kaso ng bike rider na si Mark Vincent Garalde na binaril at napatay ng kanyang nakagitgitang si Vhon Martin Tanto na nasapol sa CCTV kaya agad na nakilala ang suspek at kalaunan ay nadakip.

Maging ang pag-kidnap at pagpatay sa negos­yanteng si Leah Angeles-Ng ng Quezon City noong 2012 ay naresolba dahil sa CCTV kaya mas epek­tibo umanong paraan ito para resolbahin ang krimen sa bansa.