Bantay sarado na ng pulisya ang mga lugar na sakop ng Region 4B o MIMAROPA.

Ayon kay Region 4B Police director Chief Supt. Wilben Mayor, iniutos nito sa kanyang mga tauhan na higpitan na rin ang seguridad sa ibang bahagi ng rehiyon kasunod ng umano’y banta ng terorismo sa Palawan.

Gayundin, sinabi ni Mayor na mas pinaigting pa nila ngayon ang intelligence gathering sa Mindoro, Marinduque, at Romblon.

Inatasan na rin ang mga police provincial director sa mga nabanggit na lugar na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan para agad na makahingi ng tulong sa mga komunidad.

Sinasabing mahalaga ang mga sumbong ng mga residente lalo na kung mayroong kahina-hinalang tao na bagong salta sa lugar.

Samantala, sa kabila ng mahigpit na seguridad, tuloy pa rin ang turismo sa MIMAROPA Region at walang dapat na ipangamba ang mga bakasyunista.