Nadamay sa atraso ng kanilang apo ang mag-asawang senior citizen matapos pasukin at pagbabarilin sa loob ng kanilang bahay ng mga armadong lalaki sa Barangay Poblacion, Matalam, Cotabato Sabado ng gabi.

Bukod sa mag-asawang Jose Getalla, at Ernesta, 70, napatay din ang kanilang anak na si Lorena, 43.

Nagtamo ang mga biktima ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Samantala, sugatan pero nasa ligtas nang kalagayan ang apo ng mag-asawang Getalla na si Daryll, anak ni Lorena, na siyang target umano ng mga suspek dahil sa pagkakasangkot nito sa iligal na droga.

Sugatan din ang tiyahin ni Daryll na si Emelita Getalla, nasa hustong gulang.

Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang pamamaril dakong alas-siyete ng gabi sa loob ng bahay ng mga biktima sa Purok Sampaguita, Brgy. Poblacion.

Naghahanda na sanang matulog ang mga biktima nang dumating ang apat na armadong suspek sakay ng dalawang motorsiklo. Agad na inakyat ng mga suspek ang bahay ng pamilya Getalla at pinagbabaril ang mga ito.

Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang ginawang pamamaril sa pag-aakalay napatay na nila lahat ng mga tao sa bahay.

Lumalabas sa imbestigasyon na target umano ng mga suspek si Daryll dahil sa pagkakasangkot umano nito sa bentahan ng shabu.

Hinala ng mga awtoridad na posibleng may atraso si Daryll sa mga suspek dahilan upang buweltahan ito at isinama pang ‘siningil ang pamilya nito.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa kaso. (Edwin Balasa)