Mind the Gap: May-December Love Affair

Hindi na bago ang magkakarelasyong malayo ang agwat ng edad. ‘Yung iba, higit na nakatatanda ang partner o ‘di kaya’y mas nakaba­bata naman sa kanila. Ang relasyong ito kung tawagi’y ‘May-December love affair’. ‘May’ ang tawag sa mas nakababatang lalaki o babae na nasa tagsibol o ‘Spring’ ng kanyang buhay. ‘December’ naman ang tawag sa mas nakatatanda o nasa taglamig o ‘Winter’ na ng kanyang buhay. Walang specific age requirement – pero ayon sa mga relationship expert, karaniwang 11 taon o higit pa ang age difference ng couple na nasa ganitong relasyon.

Noong unang panahon, mga matatandang lalaki na may mala­king sahod at kabuhayan ang nag-aalok ng kasal sa mga mas batang babae na naghahanap naman ng financial stability para sa kanilang pamil­ya. ‘Yan ang karaniwang set-up ng May-December love affair. Pero nga­yon, tila unti-unti nang nagbabago ang ihip ng hangin. Marami na ring nakatatandang babae ang naghahanap ng mas batang lalaki na makakasama nila sa hirap at ginhawa.

Ilang kilalang perso­nalidad ang nasa ganitong sitwasyon. Halimbawa, ang celebrity doctor na si Vicki Belo at asawa niyang si Hayden Kho na 24 years ang age gap. Ang comedy queen na si Ai-Ai delas Alas at mister na si Gerald Siba­yan na nataon pang kaibigan at kaklase ng kanyang anak. Tunay ngang hindi hadlang ang edad sa pagsasama ng mag-­asawa.

Pero gaya ng iba ring relasyon – may pros and cons ang May-December love affair. Kasama sa pros o advantages nito ang FINANCIAL STABILITY. Hindi problema ang pera kung mas may edad ang karelasyon mo. Posible kasing established na siya sa kanyang trabaho kaya malaki ang kanyang suweldo. Kung ikaw ang mas na­kababata sa relasyong ito, tiyak na maa-ambunan ka ng maraming re­galo. ­MATURITY ang ika­lawang advantage ng May-December love affair. Dahil mas nakatatanda, si­guradong mas may karanasan na sa buhay. Kung ikaw ang bata sa relasyon, guided ka lagi ng ‘word of wisdom’ ng iyong partner. Kung malaki ang agwat ng edad n’yo, tiyak ding lalawak ang kaalaman mo sa mga bagay-bagay. Kaya ikatlong advantage ng ganitong relasyon ang KNOWLEDGE ­EXPANSION.

Kung may pros, may cons din ang relasyong malayo ang age difference. Isa na rito ang HEALTH CONCERNS – posibleng maging ta­gapag-alaga ka lang ng older partner mo na mas at risk dapuan ng serious illness dahil sa kanyang edad. Kung mahal mo naman talaga ang iyong asawa, hindi mo iisipin at mararamdaman ang pagod ng pag-aalaga sa kanya. Dahil sa agwat ng edad, karaniwang tampulan kayo ng tukso ng inyong komunidad. ‘Yan ang ikala­wang disadvantage – DISAPPRO­VAL FROM SOCIETY. Kung determinado ka sa relasyon, hindi ka dapat nagpapa­apekto sa mapamulang lipunan. Totoo naman ang kasabihang ‘You cannot please every­one…’

Ang sa akin lang, wala naman talaga ‘yan sa edad. Magmukha man kayong mag-ama o mag-ina dahil sa age difference, ang mahalaga – wala kayong tinatapakang tao. Mahal n’yo dapat ang isa’t isa – hindi lang sa isip, higit lalo sa puso. At siyempre, tiyakin ding wala nang res­ponsibilidad o anumang pananagutan ang partner mo sa dati niyang asawa bago n’yo ituloy ang inyong relasyon. Ang nakatatandang partner kasi, karaniwan na dating may asawa na naghanap lang ng mas batang makaka­sama sa buhay.