Pinatawan ng 90 araw na suspension order ng Sandiganbayan ang finance at administrative director ng Mindanao Development Authority (MinDA) matapos nitong ipadala sa isang seminar ang kanyang asawa gamit ang pondo ng gobyerno sa halip na empleyado ng ahensya ang siyang dumalo.
Si MinDA Finance and Administrative Services director Charlita Andales Escano ay pinatawan ng paglabag sa Section 3E ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Batay sa record ng kaso, ang asawa ni Escano na si Alan ang siya nitong pinadalo sa seminar para sa Basic Occupational Safety and Health Course for Construction Site Officers na ginanap sa Ritz Hotel noong March 16-20, 2015. Si Alan ay hindi umano empleyado ng ahensya at ang kawani na nagngangalang Renato Buhat Jr. ang siyang dapat na dumalo sa seminar.
Malinaw umano na ang ginamit ng asawa ni Escano na P6,000 para sa registration fee sa seminar ay pondo ng gobyerno.
“Verily, the conditions for preventive suspension have been satisfied and the Court is duty-bound to issue the order of suspension against accused as a matter of course. Wherefore, premises considered, accused Charlita Andales Escano is hereby suspended pendente lite, as Director IV, Office of Finance and Administrative Services, MinDA, and from any other public positions she may now or hereafter hold, for a period of 90 days from receipt of this Resolution,” nakasaad sa resolusyon ng Sandiganbayan.
Inatasan ng Sandiganbayan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipatupad ang suspension order. (Tina Mendoza)