Upang may matira sa suweldo ng mga empleyado ng gobyerno, isinusulong ngayon sa Senado ang panukala para sa pagpapairal ng minimum monthly net take home pay ng government employees.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 710 o ang panukalang “Minimum Take Home Pay” na inihain ni Sen. Paolo Benigno ‘Bam’ Aquino IV, hindi na maaaring sagarin ng kaltas ang suweldo ng mga empleyado ng gobyerno.
Sa nasabing panukala, ang lehitimong ikakaltas lang sa suweldo ng mga empleyado ng gobyerno ay ang buwis, GSIS, Pag-Ibig at Philhealth.
Kasama rin dito ang kaltas sa kontribusyon sa mutual benefits association, kooperatiba at insurance companies na lisensiyado ng gobyerno.
“Any deficiency in loan payments of government employees as a result of the mandatory minimum take-home pay may be addressed through direct payment arrangements to be voluntarily made by the employee to the lending institutions,” saad ng panukala.
Ayon kay Aquino, kailangang malimita ang deductions sa suweldo ng mga empleyado ng gobyerno upang sa gayon ay may natitira pang pera sa tuwing susuweldo sila imbes na mangutang muli para may panggastos.
“How can these critical players in nation building put their full effort into their public service if they are bombarded with financial woes? It is thus imminent that the State curb unhealthy practices and provide clear policies in support of its government servant-leaders,” katuwiran ng senador.
Sa Mayo 3, dalawang araw matapos ang Labor Day, diringgin na ni Sen. Antonio Trillanes IV, chairman ng senate committee on civil service, government reorganization and professional regulation ang nasabing panukala.