Minimum na sahod unahin bago 14th month

Tutol ang ang Simbahang Katolika sa panukalang batas na inihain ni Senate Majority Leader Vicente ‘Tito’ Sotto na bigyan ng karagdagang isang buwang bonus ang mga manggagawa sa pribadong sektor.

Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP)-Episcopal Commission on the Laity, ipatupad muna ang minimum na sahod bago isulong ang panukala sa Senado na 14th month pay na katumbas na isang buwang sahod sa pribadong sektor.

Limitado lamang umano ang makikinabang sa bonus pay habang naisasakripisyo ang matagal nang hinihiling ng mga manggagawa na taasan ang kanilang sahod.

“Ang una nating gagawin muna ay dapat bigyan at least ipatupad ‘yung minimum wage at pagkatapos walk towards living wage para sa lahat. ‘Yung ganyan ilan ang tatamaan niyan kung ibibigay ang 14th month pay kung hindi pa minimum ang lahat ng tao. ‘Yan muna ang seryosohin nila,” bahagi ng pahayag ng obispo.

Ipinunto rin nito na dapat iwaksi ang “regionalization” na hindi makatarungan ang “minimum wage rate” ng ilang mga rehiyon at hiniling nito na ipatupad ang minimum na sahod sa lahat ng probinsya na makabubuhay o “living wage”.