Isang ginang ang walang awang pinagbabaril ng ‘di kilalang suspek sa harapan ng kanilang tahanan sa Tondo, Manila kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawing biktima na si Mary Jane Ramos, 36-anyos, at residente ng Gate 17, Area D, sa Parola Compound bunsod ng tinamong mga tama ng bala ng baril sa ulo at katawan.
Mabilis namang tumakas ang mga ‘di kilalang suspek na pina ghahanap na ngayon ng mga awtoridad.
Sa imbestigasyon ni Det. Joseph Kabigting ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, alas-9:30 ng gabi nang maganap ang pagpatay sa biktima sa harapan mismo ng kanyang tahanan.
Bago ang krimen ay nakitang nagtungo si Ramos sa kalapit na sari-sari store upang bumili ng sabong panlaba ngunit pag-uwi nito ay kaagad na itong pinagbabaril ng suspek bago pa man nakapasok sa kanilang tahanan.
Hindi pa naman batid ng pulisya ang motibo ng krimen at kung sino ang nasa likod ng krimen.