Malagim na kamata­yan ang sinapit ng isang 27-­anyos na ginang sa kamay ng hindi pa nakilalang suspek na hinihinalang ginahasa muna ang biktima bago sinunog ‘di kalayuan sa kanilang bahay sa Sagnay, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Karen Brojan, may asawa at isang anak, nagtatrabaho bilang barangay health worker at residente ng Zone 4, Barangay Sibaguan, ng nasabing bayan.

Ayon kay SPO2 John de Quiroz, natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-5:45 ng hapon nitong Linggo sa madamong bahagi ng Zone 4 ng nasabing barangay na sunog ang ilang bahagi ng katawan.

Napag-alaman na dakong ala-una ng hapon nang araw na iyon ay nagtungo ang ginang sa ilog upang maglaba ng kanilang mga maruming damit pero hindi na ito nakauwi pa sa kanilang bahay kaya nag-alala na ang kanyang pamilya.

Kasama ang ilan sa kanilang mga kapitbahay ay hinanap ng kanyang mister ang biktima hanggang sa makarating sila sa madamong bahagi ng lugar at doon natagpuan ang ginang na isa nang bangkay.

Maliban sa sinunog, tinabunan pa ng mga damo ang bangkay ng biktima.

Posible din umanong ginahasa muna bago pinatay ang biktima at upang maitago ang krimen ay tinangka pang sunugin ang katawan nito.

Dinala ang bangkay ng biktima sa Camarines Sur-PNP Crime Laboratory upang sumailalim sa awtopsiya habang patuloy din ang imbestigasyon ng pulisya para matukoy kung sino ang suspek sa karumal-dumal na krimen.