Nang minsang masalubong ni Ernesto ang nakababata niyang kapatid na lalaki sa isang supermarket sa Trece Martirez, sa halip na bumati ay sinadya niyang umiwas na hindi na lingid sa kaalaman ng kapatid.
Bagama’t sumama ang loob ng mga kapatid ni Ernesto dahil sa pagbale-wala sa kanila ng kanilang kuya, inunawa pa rin nila ang nakatatandang kapatid dahil batid ng mga ito ang labis na pagkahumaling at pagsamba kay Jennifer.
Katuwiran ng ilan sa kanila, sa piling ng dalaga natagpuan ni Ernesto ang labis na nadaramang kaligayahan at pag-ibig kaya’t sa kabila ng kanilang pagtutol sa babae, nagsawalang-kibo na lamang sila alang-alang na rin sa kanilang kapatid.
Tinupad naman ni Ernesto ang pangako kay Jennifer na ibabahay na niya ang babae nang tuluyan bagama’t nagpasya pa rin ang huli na huwag munang tumigil sa pagtatrabaho sa beerhouse lalu na’t malaki rin naman ang kanyang kinikita.
Katwiran ni Jennifer, makakatulong din ang kanyang kinikita sa beerhouse sa mga gastusin lalu na’t hindi pa naman nakakakita ng permanenteng trabaho ang ka-live in at umaasa lamang sila sa malaki-laki rin namang naipon nito sa halos isang dekadang pagtatrabaho sa Saudi Arabia.
Hindi naman hinadlangan ni Ernesto ang pagnanais ni Jennifer na ipagpatuloy ang trabaho sa beerhouse lalu na’t nakikita naman niyang masaya at nag-e-enjoy ang ka-live in bagama’t hindi rin naman siya pumapalya na ihatid, bantayan at sunduin ang dalaga.
Nang magdalang-tao si Jennifer sa una nilang magiging supling ni Ernesto, ipinasya na ng lalaki na alukin ng kasal ang dalaga, na hindi naman tinanggihan ng huli lalu na’t dinadala na niya ang kanilang magiging anak.
Bagama’t batid ni Ernesto na tutol ang kanyang anak at kapatid sa kanyang pagpapakasal kay Jennifer, hindi naman siya nagdalawang-isip na ipabatid ang kanyang naging kapasyahan sa mga ito lalu na’t alam niyang wala namang magagawa ang mga ito para pigilan siya sa kagustuhan.
Noong Mayo 3, 2011, ikinasal si Jennifer at Ernesto na sinaksihan din ng kanyang mga kapatid at malalapit na kaibigan. Hindi rin natiis ng kanyang mga kapatid na hindi saksihan ang pag-iisang dibdib ng dalawa lalu na’t hindi naman naaalis ang pagmamahal nila sa kanilang kuya kahit pa nga dumating ang panahong dumistansya sa kanila ang lalaki noong kasalukuyang nababaliw ito sa bagong pag-ibig.
Aminado ang mga kapatid ni Ernesto na hindi maikakaila ang labis na kaligayahan ng kanilang kuya habang ikinakasal sa babaeng pinag-ukulan niya ng sobra-sobrang pagmamahal bagama’t nandoon pa rin ang agam-agam dahil hindi muna nila nakilatis nang lubusan si Jennifer.